++++++++++++++++++++++++++++++++++++
Note : This is Filipino version. I'll be attaching English
version once it is ready. Please bookmark this page. Thank
you.
++++++++++++++++++++++++++++++++++++
Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan.
Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o
nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong
kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity
ako a tuwing sisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang
sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!"
paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensya
ka na, anak. Matanda na talaga ako.
Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong
tulungang lumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong
nag-aaral ka pa lamang lumakad.
Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit
at paulit ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo
nalang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang
pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto
mo ng lobo,paulit- ulit mo 'yong sasabihin, maghapon kang
mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo.
Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda,
amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na
ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag
mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa?
Pinatyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong
maligo.
Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, dala na
marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.
Kapag may konti kang panahon, magkwentohan naman tayo, kahit
sandali lang. inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa.
Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais
kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentohan ka,
kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.
Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan kong
pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol
sa iyong teddy bear.
At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at
maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong
pagsawaan alagaan. Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay
maihi o madumi sa higaan, pagtyagaan mo sana akong alagaan
sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman
ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo
sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na
harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na
lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagapalain ka sana ...
dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...
-Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
CWL Spiritual Director
St. Augustine Parish
Baliuag, Bulacan
No comments:
Post a Comment